Ere

Heto na.
Buong gilas mong tanggapin ang sampal
ng hangin sa iyong mukha. Gamitin mong panangga
ang puso mong nagtatapang-tapangan sa pagmamahal.
Ah, hindi masakit 'no?

Isa pa.
Umindak ka sa himig ng mga nagbabanggaang bulalakaw
sa dibdib ng iyong sinisinta
Pero hindi ka niya mahal ha, paalala lang.
Hindi ka pa rin nasasaktan?

Bilang pangwakas, at dalangin
nami'y sana tablan ka na, tanggapin mo na
ang mga suntok ng katotohanan nang walang pagkibot at pag-iwas.
Halos ihinto na ng mundo ang pag-inog nito para lang
masaksihan ang pagbagsak mo.

Ano? Kaya pa? Bangon na at sa pagtatapos ng gabing ito,
Wag na'ng pairalin ang inutil na emosyon,
madala ka na.
Dati ka pa natalo,
hindi mo lang tinatanggap.